ANG MULTO SA BAHAY (Hulyo 2010)
Ni Felipe Sullera Jr.
Ni Felipe Sullera Jr.
BSED-Filipino Unibersidad ng Foundation
Nagsimula ang kuwento sa bahay ni Don Maurecio na ama ni Cristy ang pinakamayaman sa Bagong Silangan. Dahil maagang nabalo sa kanyang asawa na si Marta na nasawi sa isang trahedya ay walang ibang pinagtuunan ng pansin kundi ang kanilang anak na si Cristy. Mahigpit ito sa mga batas kay Cristy kahit pa man ay nasa kolehiyo na ito, kahit ang pagpunta nito sa paaralan ay parating may ipinasasamang body guard para lamang masiguradong natatanging paaralan at bahay lamang ang distinasyon nito.
Hindi maintindihan ni Cristy ang ginagawa ng kanyang ama sapagkat hindi naman ito ang inaasta noong nabubuhay pa ang ina. Isang umaga sa may balkonahe ng kanilang bahay, nakita ni Cristy ang kanyang ama na nag-iisang nakaupo sa silyang yari sa kawayan at tila ba malayo ang tingin at malalim ang iniisip. May pag-aalinlangan niya itong nilapitan para magpaalam ngunit ‘di pa man siya nakalapit sa kinauupuan nito, mukhang napansin yata ng kanyang ama ang kanyang paglapit kaya’t dali-dali nitong itinago sa bulsa ng dyaket ang isang librong kulay pula at tumindig ito sa kinauupuan at lumakad, ni hindi nga ito kumibo nang makasalubungan sila ni Cristy. Hindi mawari ni Cristy ang dinaramdam ng ama lalo na’t napansin niya ang mga matang may namumuong luha na pilit ikinubli sa sarili.
Lubog na ang araw nang umuwi si Cristy sa kanilang bahay at ang mga bulaklak sa kanilang bakuran ay nangagsara ang mga talulot bunga nang hindi ito nasisinagan ng araw sa dapit-hapon. Bago pa man pumanhik sa bahay ay alintana na nito ang ama na nasa salas na ‘di maipinta ang mukha na nakaabang.
“Bakit ngayon ka lang!” ang galit na tanong ng ama. “Pinasundo kita kay Domeng ngunit pinauna mo lang siyang umuwi! Bakit hah! Huwag mong sabihing may ginawa kang kabulastugan sa paaralan Cristy?!” Mangiyak-ngiyak na nagpaliwanag si Cristy sa kanyang ama ngunit sinampal siya nito. Hindi niya lubos iniisip na gagawin ng kanyang ama iyon. Bumuhos ang luha sa mga mata ni Cristy habang hinahawakan ang kanyang pisngi at dali-daling nagtungo sa loob ng kanyang kuwarto.
Ang kuwarto ni Cristy ng mga gabing iyon ay napuno ng matitinding emosyon na nagdurog ng kanyang puso. Habang hawak-hawak ang larawan ng kanyang yumaong ina, lalong nadurog ang kanyang puso nang maalala niya ang kanyang pinakamamahal na ina noong nabubuhay pa ito. Gusto niyang kamuhian ang kanyang ama ngunit ‘di niya ito kayang gawin sapagkat napagtanto rin niya na bali-baliktarin man ang mundo ay ama pa rin niya si Don Maurecio.
Kinaumagahan habang nasa hapag-kainan ang mag-ama, galit nag alit na naman ang pakikitungo ng kanyang ama. “Ano itong balita na nakarating sa akin na may nanliligaw raw sa iyo sa paaralan at ang pangalan ay Gabriel? Hindi ko gusto na magsanga pa ang inyong relasyon Cristy kaya’t hanggat maari ay putulin mo na ang inyong ugnayan. Pag-aaral mo muna ang atupagin mo! Hindi ka pa handa sa mga ganyang bagay, sundin mo nalang ako nang wala ng problema. Tandaan mo ako ang batas simula ngayon.”
Magpapaliwanag pa sana si Cristy ngunit baka ano pa ang gagawin sa kanya ng kanyang ama, ayaw na niyang maulit pa ang nangyari nang gabing iyon.
Pagkatapos kumain ng almusal ay hinatid na si Cristy ni Domeng sa paaralan na may kasamang dalawang body guard. Pagkarating nila sa paaralan ay nakita kaagad ni Cristy si Gabriel sa kanilang tagpuan sa may gilid ng paaralan na napansin rin ng dalawang body guard. Pagkababa sa kotse ay dali-dali ring sumunod ang dalawang body guard na s’yang kinairita ni Cristy.
“Bakit ba kayo parati nalang sunod nang sunod hah?! Ako ang amo ninyo kaya’t hanggat maari ay lubayan ninyo muna ako? Papakiusapan ko lang si Gabriel na lubayan na niya ako siguro sapat na itong dahilan para masambit ninyo kay papa na sinunod ko ang kanyang batas.” Bumalik sa loob ng kotse ang dalawa at nakamasid nalang kina Cristy sa kalayuan habang nakipag-usap kay Gabriel.
“Cristy ano na?,” tanong ni Gabriel. “Gabriel gustuhin ko man na sagutin ka ngunit ayaw kong maging miserable ang buhay mo nang dahil lang sa akin. Hindi ko alam kong ano ang maaaring gawin sa iyo ng aking ama,” mahinahong sagot ni Cristy kay Gabriel. Natigilan si Gabriel sa sinabi ni Cristy kung kaya’t hindi na naghintay ng susunod na salita si Cristy kay Gabriel at agad na itong nagtungo sa silid-aklatan. Labag sa kanyang kalooban na putulin ang ugnayan nila ni Gabriel sa kadahilanang nahulog na rin ang kanyang puso dito. Ngunit kailangan niyang gawin ang nararapat alang-alang sa kagustuhan ng kanyang ama.
Pag-uwi ni Cristy sa kanilang bahay, nakita na naman niya ang kanyang ama sa may balkonahe na nakaupo sa silyang yari sa kawayan ngunit hindi na tulad ng dati na malayo ang paningin nito. Nakayuko ito at tila ba may malalim na iniisip, nakita rin ni Cristy ang tatlong bote ng alak sa may paanan nito. Naglasing na naman ang kanyang ama, ito ang pangalawang beses na nakita niya ang kanyang ama na naglasing simula pa noong siya ay nagkaroon ng isip sa pag-intindi ng mga bagay sa kanilang pamilya at alam niyang may dinaramdam na kakaiba ang kanyang sapagkat malimit ito ang naging dahilan sa paglalasing nito.
Nilapitan ni Cristy ang kanyang ama. “P-p-papa, a-andito na po ako, m-m-magandang gabi po?” Pag-aalinlangang sambit ni Cristy sa ama.
Bigla na lamang tumayo ang ama nito mula sa kinaupuan at pinagtuturo-turo siya nito na para bang iniinsulto ang kanyang sangkatauhan. Nabigla si Cristy.
Salot ka sa buhay ko! Nang dahil sa iyo namatay ang asawa ko. Ikaw ay bunga ng kasalanan, kasalanang dulot ng kahalayan ni satanas! Pangungutyang sabi ng ama ni Cristy.
Hindi nakayanan ni Cristy ang pinagsasabi ng kanyang ama kaya’t pinatulan niya iyo kahit pa alam niya na kontrolado na ang buong isip nito ng alak. Hinarangan niya ang ama sa pintuan nang tinangka nitong umalis.
“”Bakit mo ba ginagawa sa akon ito papa?! Hindi na kita maintindihan?! Buong buhay ko sa piling mo simula nang mawala si mama ay punong-puno ng katanungan. Naguguluhan na ako, bakit ‘do mo sabihin nang tayo ay magkaliwanagan?! Mangiyak na sambit ni Cristy.
“Wala! Wala kang dapat malaman at kung mayroon man, wala ka na doon! Pasigaw na sagot ng ama.
“Bakit papa may tinatago ka bang sekreto? Ano! Sabihin mo!, galit na tanong ni Cristy habang hinihigpitan ang paghawak nito sa damit ng ama.
“Simula ng mawala si mama ‘di ko naramdaman ang pagiging ama mo, pati personal na buhay ko pinakikialaman mo. Kung salot man akong anak, mas salot ka!
Hindi napigilan ni Don Maurecio ang sarili sa pinagsasabi ng anak kung kaya’t walang pag-alinlangang sinampal ang anak at pagkatapos ay itinulak niya ito na naging dahilan ng pagkabagok ng ulo ni Cristy sa pader. Nawalan ng ulirat si Cristy sa lakas ng pagkatama ng ulo nito sa pader, pakiramdam ni Cristy ng pagkakataong iyon ay mawawalan na siya ng buhay.
Nang magising si Cristy mula sa pagkawalan nito ng malay ay lubos niyang naaninag na nasa loob ng kuwarto ng kanyang ama at napansin niyang may bindahe na ang kanyang ulo. Pagkalingon niya sa kanang bahagi ay nakita niya ang pulang libro. Naalala ni Cristy na ito ang dala-dala parati ng kanyang ama at ‘di ito maihiwalay anu paman. Marami siyang mga katanungan hinggil sa pulang libro kaya’t pagkakataon na niya ito para basahin. Sinimulan ng buklatin ni Cristy ang libro at nakita niya na diary pala ito. Binasa niya ang bawat pahina ng pulang libro hanggat nayroon siyang natuklasang sekreto, isang sekreto na matagal na niyang gustong malaman, isang sekretong magbunyag mula sa kanyang totoong pagkatao. Nang mabasa niya ito, hindi siya makakapaniwala at bumuhos na lamang ang luha sa kanyang mga mata ng hindi niya namamalayan. Naunawaan na niya kung bakit ganoon nalang kung umasta ang kanyang ama sapagkat ang mga dugo na nanalaytay sa kanyang ugat ay ‘di pala nito pag-aari. Napagtanto ni Cristy kung bakit nasabi ng kanyang ama na siya ay bunga ng kahalayan ni satanas. Pati ang pagkamatay ng kanyang ina ay nalaman niyang kagagawan din pala ito ng kanyang ama. Nangyari ang lahat ng ito nang malaman ng ama ni Cristy na hindi pala siya nito tunay na anak kung kaya’t nag-away ang dalawa at dahil sa tindi ng buhos ng emosyon ng kanyang ama sa kalagitnaan ng kanilang pag-aaway ay naitulak ng kanyang ama ang kanyang ina sa may hagdanan na naging dahilan sa pagkahulog at pagkamatay nito. Ang mga impormasyon na nalaman ni Cristy hinggil sa pagkamatay ng kanyang ama ay isa lang palang kasinungalingan sapagkat bukod tanging alam niya na namatay ito sa isang "car accident".
Ngayong malinaw na kay Cristy ang lahat ay bukod tanging nasa kanyang isip ay ang makatakas sa impeyernong bahay ng kanyang multong ama, ngunit papaano? Lumundag ang kanyang puso sa takot nang may biglang nagbukas sa pinto at tumambad sa kanyang harapan si Gabriel.
“Paano ka nakapasok ditto Gabriel?” tanong ni Cristy. “Sinabi sa akin ng inyong mga katulong na nandito ka sa kuwarto ng iyong ama, nais ko lang naman sanang hingin ang permiso ng iyong ama na maging kabiyak ka ngunit dumalo pala siya sa pagtitipon sa bayan kasama ang kanyang mga body guard. Cristy, sinabi s aakin ng mga katulong ang iyong sinapit at ayon nag-alsa balutan na sila para lumayas. Kailangan na nating umalis ditto, handa kitang ipaglaban kahit ano pa man,” apela ni Gabriel.
Pumanaog na ang dalawa sa may hagdanan nang biglang narinig nila ang malakas na harurot ng sasakyan ng kanyang ama sa labas. Dali-dali itong pumasok sa bahay at nag-aapoy sa galit. Sinabihan ni Cristy si Gabriel na umalis nalang ngunit ang tanging binitiwang salita ni Gabriel ay, “Kahit ‘di mo pa man ako sinagot Cristy ay magkasama tayo hanggang libingan.” Pinatago ni Gabriel si Cristy sa isang sulok ng bahay at anong tapang na hinarap ang ama ni Cristy.
Nang Makita ni Don Maurecio si Gabriel. “Lubos kang mapangahas! Masyado kang nagpakabayani! Ito na ang katapusan ng iyong maliligayang araw!” Binunot ni Don Maurecio ang kanyang baril at itinuon ito kay Gabriel ngunit nang barilin na nito si Gabriel ay sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla siyang hinarang ni Cristy at siya nag natamaan ng bala. Kanlong ni Gabriel si Cristy na duguan at agaw-buhay ngunit sa gitna ng lahat ay walang awa ring binaril ni Don Maurecio si Gabriel sa ulo at namatay. Bago pa man nilagutan ng hininga si Cristy ay may huling salita itong binanggit sa ama, “P-p-papa, ikaw a-a-ay multo sa bahay! Multo ka ng bahay na ito!”
Nang dahil sa nawagang karumaldumal ni Don Maurecio ay hindi nito napatawad ang sarili at umiiyak.
“Asawa ko! Magkakasama na tayo, masaya akong makita ka sa kabilang mundo.” Itinuon nito ang baril sa ulo, kinilabit at namatay.
-WAKAS-